BAGONG K-10 CURRICULUM PARA SA MATATAG NA EDUKASYON
Kalakip ng mundo ang pagbabago at maging ang sistema ng edukasyon ay hindi makakatakas dito. Ngunit ang pagbabagong ito kaya’y magiging sapat na solusyon para sa mga hamon, kakulangan at kahinaang kinakaharap ng larangan ng edukasyon?
Noong 2012, inilunsad sa bansa ang K to 12 program o curriculum. Sakop nito ang Kindergarten, anim na taon sa Elementarya, apat na taon sa Junior High School at karagdagang dalawang taon sa Senior High School. Ang aksyon na ito’y naglalayong maihanda ang mga mag-aaral sa tertiary education o kolehiyo at mga kasanayan na preparasyon sa empleyo o pagnenegosyo. Ngunit, matapos ang labing-isang taon, sa kabila ng reporma, malayo pa rin ang hinahangad na kalidad ng edukasyon sa Pilipinas.
Ayon kay Director Jocelyn Andaya, Director IV ng Bureau of Curriculum and Development ng Department of Education, ang implimentasyon ng nasabing curriculum “hit snags” o sa madaling sabi ay nagkaroon ng maraming kakulangan o problema. Dagdag pa niya, kabilang sa mga nakitang problema mula sa kanilang pag-aaral ay congested curriculum content, misplaced prerequisite learning competencies, and cognitive demand imbalance.
At kamakailan lamang, taong 2023, ay inilunsad ng Department of Education ang revised K to 10 curriculum na tinawag nilang “MATATAG Curriculum” na naglalayong resolbahin ang mga hamon sa edukasyon. Ayon sa DepEd Secretary, Sara Duterte, ang MA ay nangangahulugang gawing makabuluhan, aktibo at responsableng makakapagprodyus ng trabaho para sa graduates; TA- o paggawa ng paraan upang mabilis ang paghahatid ng basic education services at facilities; TA- o ang pangangalaga at promosyon ng kagalingan ng mga mag-aaral sa ilalim ng positibong learning environment; at G – pagbibigay ng suporta sa mga guro na makapagturo ng mas mahusay. Sa kabuuan, mas malakas na edukasyon para sa bans a.
Kabilang sa mga programa sa ilalam ng MATATAG curriculum ay makabuluhang bawasan ang mga learning competencies o kakayahan sa pag-aaral. Nasa 70 porsiyento ng kasalukuyang curriculum ay babawasan mula sa mahigit 11,000 learning competencies ay magiging 3,600 na lamang upang magbigay daan ng mas maraming panahon para sa mga DepEd foundational skills gaya ng language, reading and literacy, mathematics, makabansa, good manners at right conduct.
Pormal man itong nailunsad, iilang mga paaralan pa lamang ang gumamit ng MATATAG curriculum. Inaasahan naman na sa susunod na academic year 2024-2025, ay pormal na itong ilulunsad sa lahat ng paaralan sa bansa na pasisimulan sa mga Kindergarten, Grade 1, Grade 4 at Grade 7. Uunti-untiin ang pagpapatupad nito hanggang sa maisakatuparan ito ng kumpleto sa taong 2028.
Sa mabilis na pagbabago ng mundo ngayon, nararapat lamang ang pagiging MATATAG ay maging kasanayan na dapat ipamulat sa bawat indibidwal. Ang isang curriculum na MATATAG ay maaring makatugon sa mga hamon at pagpapalakas ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Gayunpaman, ang epektibong implementasyon ng ganitong curriculum ay mahalaga. Nararapat lamang tiyakin ng DepEd na ang paghahanda sa mga guro na silang magpapatupad nito ay magkakaroon ng sapat na kaalaman at kakayahan na makapagbigay ng komprehensibong edukasyon sa mga mag-aaral na Pilipino. Sapagkat, maganda man ang intensyon ng Department of Education sa pagpapalaganap ng bagong reporma, kung hindi naman mabibigyang pansin ang tamang pagpapatupad ay hindi rin makakamit ang inaasam na mataas na kalidad na edukasyon sa Pilipinas.
-oOoThe
I at Nabuclod Intergrated School
author is Teacher