PAGPAPAUNLAD NG TAO BITIN
Sa inilabas na ulat ng World Bank tungkol sa pamumuhunan ng Pilipinas sa pagpapaunlad ng tao (The Philippines Human Capital Review), umiskor ang bansa ng 0.52 na people index na ang kahulugan ay kalahati lamang ng pagiging produktibo ang nagagawa ng isang batang Pilipinong ipinanganak noong 2020 kapag naging 18 anyos na siya.
Ang human capital o puhunan sa tao ay tumutukoy sa kaalaman, kasanayan, kalusugan at karanasan na natatamo ng isang tao sa buong buhay niya. Ayon sa World Bank, sa TimogSilangang Asya, ang human capital index ng Pilipinas ay mababa kumpara sa ibang bansa ng rehiyon tulad ng Vietnam, Malaysia, Thailand at Indonesia. Pinagbatayan ng score ay ang kalusugan, pag-aaral, pananatiling buhay hanggang edad lima at pagkabansot kung saan mababa rin ang nakuha ng Pilipinas. Subalit sa pang-anim na kategorya, ang inaasahang taon ng pag-aaral, pinakamataas sa rehiyon ang Pilipinas na may 12.95.
Gayunpaman, dahil sa resulta ng ulat ng World Bank, kailangang humabol ng bansa upang mapantayan o maungusan ang iskor ng mga ka-rehiyong bansa. Kailangang dagdagan ang pamumuhunan ng bansa sa pagpapaunlad ng mamamayan. Nakasalalay sa pamumuhunan ang pag-abot sa ekonomiyang may estadong mataas na kita at masamantala ang kapasidad ng Pilipino para sa pangmatagalang prosperidad, ayon sa National Economic and Development Authority.
Dahil dito, suportado ng NEDA ang mga programa ng gobyerno na tumutugon sa hangaring ito. Kabilang riyan ang programa sa food stamp, ang Programang Pantawid Pamilyang Pilipino, pagbibigay ng tulong sa kalusugan at nutrisyon para sa mga batang wala pang dalawang taong gulang, gayundin para sa mga babaeng buntis na nasa panganib sa nutrisyon.
Subalit pinuna ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan ang nabanggit na programa dahil hindi buong buhay ang pagtulong.
“Sa 4Ps halimbawa, sinasaklaw lang natin ang mga bata o pamilya na may mga anak sa elementarya hanggang mataas na paaralan. Ngunit paano naman ang mga hindi pa nag-aaral na mahirap? Ang ipinapakita ng mga pag-aaral ay kung nalampasan mo ang unang limang taon ng pag-unlad ng kaisipan, pag-unlad ng emosyon, at pag-unlad ng psychosocial, kung gayon marami ka nang napalampas at hindi na iyon mababawi. Kaya napakahalaga na mayroon kang programa na sumasaklaw sa buong cycle na iyon,” ayon kay Balisacan.
Siguro naman ay matutugunan ng gobyerno ang kakulangang ito sa pamumuhunan sa tao.